-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Binigyan na ng disenteng libing ng pamahalaang lokal at PNP San Manuel ang bangkay ng lalaking natagpuan sa irrigation canal ng Barangay Malalinta, San Manuel, Isabela .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Sunny Longboy, hepe ng San Manuel Police Station na matapos nilang makipag-ugnayan sa pamahalaang Lokal at Rural Health Unit ay maayos nilang inilibing sa San Manuel Public Cemetery ang bangkay ng biktima.

Mayroon anyang bakanteng nitso sa kanilang San Manuel Public Cemetery kung saan nila inilibing ang bangkay.

Sinagot na rin ng pamahalaang lokal ng San Manuel ang bayarin sa punerarya.

Batay sa isinagawang post mortem examination, nakitang malambot ang ulo ng biktima na posibleng pinukpok ng matigas na bagay.

Hindi pa rin nakikilala ang bangkay ng lalaki at dahil nasa state of decomposition ay tuluyan nang inilibing

Magugunitang habang ang mga kawani ng National Irrigation Administration ay nagsasagawa ng inspection sa kanilang irrigation canal ay nakita nila ang bangkay ng isang lalaki na nakalutang sa tubig na kaagad nilang ipinaalam sa Punong Barangay na siyang nakipag-ugnayan sa himpilan ng pulisya .

Sa pagtugon ng pulisya ay nakita ang bangkay ng isang lalaki na mayroong 5’5” ang tangkad na nakabalot ng packaging tape at nylon cord.

Ang natagpuang bangkay ay nasa 30 anyos hanggang 40 anyos, may hikaw sa kanang tainga at nakabrace sa itaas at baba ng ngipin at nakasuot lamang ng underwear ng kulay green.