DAVAO CITY – ‘Di pa rin makilala at ‘di pa matiyak ang dahilan nang pagkasawi ng isang babae na bangkay na nang matagpuan at nagsimula nang maagnas at umano’y nilapa ng mga aso sa bakanteng lote sa Purok 6, Mahayahay, Barangay Langub sa lungsod.

Sa imbestigasyon ng Talomo Police Station napag-alaman na isang Rodrigo Abarilla, 73, ang unang nakakita sa biktima habang nagpapakain ng kanyang baka sa damuhan.

Tinatayang nasa edad 25 hanggang 30-anyos ang biktima na 5’2” ang taas.

Nakasuot ng azul at floral design na t-shirt ang biktima.

Sinasabing nginatngat ng aso ang parte ng kaliwang braso ng biktima.

Sa ngayon ang cadaver ay nasa Angel Funeral Homes na sa Daang Torres Street sa lungsod at nakatakdang isasailalim sa autopsy.

Samantalang ang kapulisan ng Talomo ay nagsimula na rin sa kanilang imbestigasyon para sa pagkakakilanlan ng biktima.