-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Naghihintay pa ng “go signal” ang Malay Municipal Police Station mula sa pamilya ng dalawang turistang natagpuang patay sa loob ng inuupahang hotel room sa isla ng Boracay para maisailalam sa autopsy ang kanilang mga bangkay.

Inihayag sa Bombo Radyo Kalibo ni Police Lieutenant Colonel Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay PNP na dumating sa isla ang mga biktimang sina Dennis Yu, 44, at Maria Cecilia Jellicode, 44, kapwa nagmula sa Metro Manila noong Marso 13, 2022.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kinauukulan sa pamilya ni Jellicode sa Australia na citizen sa naturang bansa.

Nakatakda na sanang magcheck-out ang dalawa nang madiskubrehan ng isang housekeeping personnel na nakahandusay ang mga ito sa sahig at wala nang buhay.

Sinasabing wala namang nawawala sa mga gamit ng mga biktima.

Ang bangkay ng mga turista ay kasalukuyang nakalagak sa isang funeral parlor sa isla habang ang insidente ay patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya.