-- Advertisements --
image 239

Nakatakda nang ipagpatuloy ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprenta ng mga balotang gagamitin sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) elections sa December 5.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia na sa Biyernes, September 30 ay pipirma na ang komisyon at ang National Printing Office (NPO) ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa ballot printing.

Paliwanag ng opisyal na kailangan nilang simulan ang printing ng ballots para hindi sila kapusin ng panahon, sakaling matuloy ang Barangay at SK elections.

Hanggang ngayon ay malaki ang posibilidad na matuloy ang eleksyon, dahil wala pang batas na inaprubahan ang Senado tungkol dito.

Kailangan umanong hanggang sa September 30 ay maipasa ng dalawang kapulungan ang kanselasyon ng eleksyon, dahil nagkakaroon na ng recess ang mga mambabatas.

Bukod sa pag-imprenta ng mga balota, sisimulan na rin ng Comelec ang training ng mga guro na siyang magsisilbing board of canvassers para sa December 5 elections.

Ngunit kung hindi naman daw matutuloy ang halalan, magagamit pa rin daw ang mga balota at iba pang election paraphernalias para sa susunod na taon.

Aminado si Garcia, aabot sa P18.41 billion ang matitipid ng pamahalaan kung iaantala ang halalan, subalit ganito rin naman daw ang magagastos sa susunod na taon kung matutuloy ang eleksyon.