Inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) na sususpendihin nito ang authority ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na magsagawa ng balasahan sa kanilang personnel sa panahon ng halalan.
Ito ay para sa nalalapit na pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan election sa Oktubre ng kasalukuyang taon.
Ginawa ni Garcia ang anunsiyo sa isinagawang pagdinig ng Senate committee kaugnay sa mga hakbang ng poll body para mapigilan ang election-related violence lalo na sa darating na BSKE.
Dagdag pa ng Comelec chairman na kailangan muna ng approval mula sa komisyon para sa lahat ng paglipat, pagtalaga at reassignments ng mga kapulisan at kasundaluhan.
Ang naging hakbang ng poll body ay kasunod na rin ng mga insidente sa nakalipas na halalan kung saan ang kawani ng Comelec ang nasisisi sa biglaang pagpapalit ng mga opisyal ng PNP at AFP nang hindi naman alam ng poll body.
Inihayag pa ni Garcia na ayaw lamang nilang mapulitika ang palilipat at reassignments ng mga personnel ng AFP at PNP.
Subalit ipinaliwanag naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na nanguna sa pagdinig at bilang dating hepe ng Pambansang pulisya na dapat ding maunawaan ng Comelec na may pagkakataon na dapat gumawa ng agarang aksiyon para sa paglipat at reassignment ng mga kanilang mga personnel upang hindi magkaroon aniya ng tinawag ng Senador na vaccum sa liderato sa isang lugar.
Nangako naman si Garcia na aaksyunan nito ang paglipat, reassignments at iba pang pagbabago sa hanay ng PNP at AFP sa loob ng tatlong araw.