Tatanggalin daw ng Bureau of Corrections (BuCor) ang itinayong bakod sa kalsada malapit sa residential areas sa Muntinlupa City.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ito ay sa sandaling mayroon na raw mailagay na control gate sa lugar.
Sa isinagawa umanong konsultasyon ng BuCor sa Department of Justice (DoJ), tatanggalin na ang road block sa Katarungan Villages at papalitan na ng control gate na siya namang orihinal na plano.
Dagdag pa ni Guevarra ilan din umano sa mga access roads sa loob ng NBP compound ay baka isara rin pero hindi naman ito makakaapekto sa mga residential areas.
Una rito, dumipensa ang BuCor sa paglalagay ng pader sa naturang kalsada dahil ito raw ay para mapigil ang iligal na aktibidad sa loob ng New Bilibid Prison camp (NBP).
Samantala, sinabi rin ni Guevarra na nag-request na raw si BuCor director general Gerald Bantag sa Muntinlupa City Council na muling ikonsidera ang resolusyon na nagdedeklarang siya ay persona non grata sa naturang lungsod dahil sa desisyon nitong pagtatayo ng pader.
Kung maalala, nagpasa ng anim na resolusyon ang Muntinlupa City Council kabilang na ang pagdedeklara kay Bantag na persona non grata habang ang ilan ay ang paghimok sa Senado na imbestigahan ang aksiyon ng BuCor at ang isa ay ang hirit nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang mga ganitong hakbang ng BuCor.