-- Advertisements --
20210225 152311

Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang naarestong Bahraini national na wanted ng sex crimes sa kanilang.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang suspek ay kinilalang si Alsendi Waleed Abdulla Hamad, 43-anyos na naaresto sa Brgy. San Francisco II, Dasmariñas, Cavite ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI.

Sinabi ni Morente na subject si Hamad ng arrest warrant na inilabas ng public prosecutor’s office ng Bahrain dahil sa sexual assault at possession of pornographic materials.

May inisyu rin umano ang Interpol na red notice laban kay Hamad dalawang taon na ang nakalilipas.

Sa direktiba naman ng Department of Justice (DoJ) sa BI ay agad nag-isyu si Morente ng mission order para arestuhin si Hamad.

Lumalabas sa mga impormasyon na nagtatago ang suspek sa Pilipinas noon pang March 2016.

Nabunyag ang kanyang pagtatago matapos umano ang paratang sa kanyang sexual assault ng isang babae sa kanyang apartment.

Matapos maaresto ay agad dinala si Hamad sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa habang hinihintay ang kanyang deportation order.

Inilagay na rin siya sa immigration blacklist at pinagbawalan nang muling makapasok sa bansa.