CEBU CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa Barili, Cebu matapos umanong pagnakawan ang bahay ng alkalde nito sa Brgy. Nasipit.

Ayon kay police Capt. Janus Biangan, hepe ng Barili Police Station, aabot sa halos P50,000 ang halaga ng pera at gamit na natangay ng hindi pa nakikilalang suspek sa bahay ni Mayor Marlon Garcia.

Kabilang sa mga nawala ang ilang mahahalagang dokumento, ATM cards, smartphone na nagkakahalaga ng P25,000, at cash na P20,000.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na malinis ang ginawang pagnanakaw ng suspek dahil walang ibang gamit sa bahay ni Garcia ang nasira.

Sa ngayon kinakalap na ng pulisya ang CCTV footages sa lugar sa pagbabaka-sakaling makilala ang salarin.