TUGUEGARAO CITY – Tuluyan nang ipinasara ng pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao ang isang videoke bar dahil sa paglabag sa human trafficking law sa pagpapa-trabaho ng mga menor-de-edad.
Ayon kay Edmund Pancha ng Tuguegarao City Information Office, batay ito sa inisyung closure order ni Mayor Jefferson Soriano kasunod ng pagkakaligtas sa dalawang menor-de-edad na babae sa ikinasang entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng pulisya, City Social Welfare and Development (CSWD) at Inter-Agency Council Against Trafficking Region 2 (IACAT-2) sa nasabing bahay-aliwan.
Sinampahan na rin ng kasong qualified trafficking in persons ang may-ari ng videoke bar na si Milagros Taguinod, 41 ng Barangay Annafunan East at Ninia Lasam, 34, floor manager at residente ng Balzain East.
Kinasuhan rin sina Karen Elsa Joy Ramirez, cashier; Princess Magno at Rosemarie Tanedo mula Tarlac City na sinasabing recruiter ng mga babae.
Hawak na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang nasagip na 17-anyos na babae at inihahanda na ang pagpapauwi sa kanila sa Pampanga.