-- Advertisements --

Umiwas ang Malacañang sa pagbibigay ng reaksyon kaugnay sa isyu ng pagpapatupad ng China ng fishing ban sa kabuuan ng South China Sea kabilang na ang West Philippine Sea.

Kung maaalala, kasama sa fishing ban ng Chinese agricultural ministry ang Paracel Island ng Vietnam at Scarborough Shoal na bahagi ng Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ipinauubaya na lang niya sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagtugon sa isyu.

Ayon kay Sec. Panelo, bilang kortesiya kay Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin, siya na ang magbibigay ng pahayag sa isyu ng teritoryo dahil kung ano man ang posisyon ng DFA ay posisyon na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Basta tinitiyak aniya ng Malacañang ang patuloy na pagsusulong ng gobyerno sa soberanya ng bansa.

Ipinauubaya na rin ng Malacañang sa DFA ang desisyon kung dapat bang maghain ang Pilipinas ng panibagong diplomatic protest laban sa China.

Ito’y kasunod ng napabalitang muling pagkuha nito ng giant clams o mga taklobo sa Panatag Shoal.