Inaasahan na raw ng Department of Health (DoH) na magkakaroon ng pagtaas sa mga kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos ang pagsisimula na ng face-to-face classes.
Ayon kay DoH-Officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang mobility patterns sa Metro Manila at iba pang rehiyon sa bansa ay tumaas mula sa ikatlong linggo ng buwan ng Agosto.
Paliwanag ng opisyal, kapag tumaas daw ang mobility ay asahan din ang pagtaas ng transmission rate.
Iginiit naman ni Vergeire na ang mahalaga sa ngayon ay mababa naman ang severe at critical cases at ang mga hospital admissions ay hindi rin daw tumaas.
Sinabi ni Vergeire na ang optional na pagsusuot ng face mask sa bansa ay posibleng hindi naman daw direktang nakaapekto sa bahagyang pagtaas ng kaso ng nakamamatay na virus.
Noong nakaraang Lunes lamang nang inanunsiyo ng Malacañang nba pinirmahan na ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang executive order na nagpapahintulot sa optional masking sa mga open spaces at non-crowded outdoor areas na mayroong magandang ventilation.