-- Advertisements --

Nangangamba ngayon ang ilang kongresista na posibleng napunta sa iba ang pondo ng vaccination program ng pamahalaan kasunod ng pagbubunyag ni Sen. Ping Lacson na halos P84 billion fund sa 2021 national budget ang itinago sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, maging ang pondo raw para sa vaccination program ng pamahalaan ay apektado rin o nailipat sa ibang ahensiya.

Naniniwala pa ang mga miyembro ng Makabayan Bloc na ang naturang pondo ay hindi ra para sa pagresonde sa pandemic kundi para ito sa pork barrel ng mga mambabatas.

Pinuna rin ng grupo ang umano’y biglaang pagtaas sa “defense and state terrorism spending” na may karagdagang P800 million para sa Army, P400 million para sa Air Force at Navy, P120 million para sa National Intelligence Coordinating Agency at P675 million para sa National Security Council.

Anila ang P19.1 billion para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ay puwede namang gamitin na lamang para sa libreng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) test sa 6.36 million na mga Pinoy kapag P3,000 ang halaga ng kada test o puwede naman itong gamitin bilang financing sa halagang P10,000 cash aid para sa 1.9 million Filipinos na apektado ng mga nagdaang kalamidad.

Una nang sinabi ni Sen. Juan Edgardo Angara na ang prayoridad ng 2021 budget ay para sa covid response.

Kahapon naman nang ibunyag ni Sen. Lacson na sandamakmak na insertions at itinago raw sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang P83.87 billion na halaga ng mga bagong items at augmentations at aabot sa P55.52 billion ang nadagdag sa Department of Public Works and Highways.