Balak buksan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko ang bahagi ng Baywalk sa Manila Bay na tinambakan ng artificial white sand sa darating na Setyembre 19, 2020.
Inanunsyo ito ni DENR Sec. Roy Cimatu sa pagdinig ng House committee on appropriations sa 2021 budget ng kagawaran matapos na umani ng batikos sa mga nakalipas na araw ang pagtatambak nila ng crushed dolomite boulders sa Baywalk.
Kaugnay nito ay nilinaw ni Cimatu na dumaan sa pag-aaral ang proyekto nilang ito para matiyak na walang epekto sa kalusugan ng publiko ang paggamit ng crushed dolomite boulders, na inangkat pa mula Cebu.
Ayon kay Cimatu, una nilang kinonsidera ang paggamit ng lahar subalit hindi aniya ito pino at maputik kung ikukumpara sa artificial white sand na kanilang ginamit.
Nagkakahalaga ng P28 million ang gastos sa pagbili ng crushed dolomite boulders, kasama na ang buwis na kailangan bayaran at ang bayarin sa pag-angkat nito mula sa Cebu patungong Manila.
Pinawi naman din ng kalihim ang pangamba ng publiko na masayang lamang ang gastos sa naturang proyekto sa oras na tangayin lamang ng malalaking alon ang itinambak na artificial white sand.
Iginiit ni Cimatu na mayroon silang geo-tube intervention na ginamit upang sa gayon ay hindi maanod ang itinambak nilang buhangin.










