Aabot na ng 1,590 pamilya o halos 6,702 indibidwal na naninirahan sa 57 barangay sa Davao at Caraga Region ang naapektuhan ng malakas na ulan at pagbaha na dala ng bagyong Vicky sa bansa.
Batay sa ulat mula sa National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), halos 1,328 pamilya o 5,464 katao ang kasalukuyang naninirahan sa 58 evacuation centers habang 43 pamilya o 275 individuals ang tinutulungan pa.
Umabot na rin daw ng P105 milyon ang iniwang pinsala ng bagyo sa mga imprastruktura sa Caraga.
Bukod pa rito, anim na road sections at isang tulay sa Eastern Visayas, Davao, at Caraga ang naapektuhan din ng paghagupit ni Bagyong Vicky.
Sa Cebu naman ay pumalo na ng 83 kabahayan ang nasira, kung saan 62 ang classified bilang “totally damages” at 21 naman ang “partially damaged.”
Sinabi ni NDRRMC deputy spokesperson Mark Timbal na patuloy silang naghihintay ng mga reports tungkol sa umano’y tatlong namatay sa Mahaplag, Leyte.
Naghihintay din aniya ang ahensya ng kumpletong report sa tatlo pang naiulat na nasawi sa Agusan Del Sur. Inaasahan umano na ngayong araw ay magkakaroon na ang NDRRMC ng adjustment sa bilang ng mga casualties.