Napanatili ang lakas ng Tropical Depression Luis habang kumikilos pa-kanluran-hilagang kanluran sa karagatang silangan ng Aurora ayom sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA huling namataan ang sentro ng Bagyo sa layong 200 kilometro silangan ng Baler, Aurora pasado alas-10 ng gabi.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras, habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran.
Dahil dito, itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, hilagang Aurora, Polillo Islands, at hilagang Camarines Norte, kung saan inaasahan ang minimal hanggang bahagyang epekto ng malalakas na hangin.
Nagbabala rin ang PAGASA ng malakas hanggang matinding pag-ulan sa ilang lalawigan sa Luzon hanggang sa araw ng Martes.
Kabilang sa posibleng makaranas ng 100 hanggang 200 millimeters na ulan ang Zambales at Pangasinan, habang 50 hanggang 100 millimeters naman ang inaasahan sa ilang bahagi ng Ilocos Region, Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON, at iba pang karatig-lugar.
Dahil sa sama ng panahon, suspendido rin ang face-to-face classes sa ilang lugar ngayong Lunes.
Samantala, patuloy ring binabantayan ng PAGASA ang Typhoon Dolphin, na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility ngunit kabilang sa Tropical Cyclone Information Domain ng bansa.
















