Patuloy pa rin umanong nakakaranas ng mga pag-ulan ang bansang South Korea sa kahit pa man papalabas na sa bansa ang bagyong Hinnamnor.
Sa naging eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Joseph Bandoy, tubong Sta. Cruz Laguna at kasalukuyang nag-aaral ng Doctor of Philosophy sa Gwangju, South Korea, ibinahagi nito na hindi pa man tumama ang bagyo nang naghiking sila sa isang national park ay ramdam na ang sobrang lakas ng hangin kahit hindi umuulan.
Paglalarawan pa ni Bandoy na dahil sa sobrang lakas ng hangin ay para itong kumakatok sa mga bintana at parang nanunulak.
Tinawag pa ang bagyo na ‘typhoon 11’ dahil pang labing-isang bagyo ito ngayong taon.
Kabilang pa sa mga mas naapektuhang lugar ay ang Busan, Daegu, Ulsan,at Jeju island.
Samantala, may mga naitalang 2,000 inilikas bago tumama ang bagyo sa mainland South Korea.
Ayon sa 34 anyos, maaga pa lang ay may mga paalala na umano kung saan tutungo at kung sino ang kokontakin dahil aniya ayaw ng pamahalaan na maulit ang nangyaring matinding pagbaha noong nakaraang buwan.
Dagdag pa nito na 62 paaralan ang temporaryong nagsara kaya nagswitch ang ilan sa online classes.
Aabot pa umano sa 66,000 kabahayan ang nawalan ng kuryente dahil sa pananalasa ng bagyo habang 361 domestic flights naman ang kanselado simula kahapon.
Sa kasalukuyan, ligtas naman umano ang mga Pinoy na kakilala nito sa bansa.