LEGAZPI CITY – Lumobo na sa halos 800 ang bilang ng mga pasaherong naistranded sa mga pantalan sa Bicol dahil sa Bagyong Dante.
Batay sa latest data ng Philippine Coast Guard (PCG)-Bicol, 794 ang kabuuang bilang ng mga stranded passengers kung saan ang Matnog Port sa Sorsogon ang may pinakamataas.
Umaabot naman sa 138 ang mga stranded rolling cargos, 78 ang light vehicles, pitong vessel, habang nasa 36 ang mga barkong dumaong.
Samantala sa lalawigan ng Albay, pumalo na sa 1,227 na pamilya o katumbas ng 4,334 na indibidwal ang mga lumikas o nasa evacuation centers.
Hanggang sa ngayon ay may ilang lokal na pamahalaan pa rin sa Bicol ang hindi nagpapatupad ng mandatory evacuation tulad na lamang sa ilang bahagi ng Catanduanes at Sorsogon.
Ito’y dahil hindi pa naman daw nararamdaman ang masamang lagay ng panahon dulot ng bagyo subalit tiniyak ng ilang mga opisyal na nakahanda na ang paglilikasan ng mga residente.