-- Advertisements --
cropped Magalong

Naniniwala si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isa rin sa mga miyembro ng binuong 5-man committee ng pamahalaan na malaki ang maitutulong ng kanilang pagsasala sa mga 3rd level officers ng Philippine National Police pagdating sa paglilinis sa buong hanay ng kapulisan pahinggil sa operasyon ng ilegal na droga.

Ipinahayag ito ni Magalong kasunod ng anunsyo ni PNP chief PGen Rodolfo Azurin Jr. na natapos na ng 5-man advisory group ang kanilang pagsasala sa mga courtesy resignation ng mga heneral at koronel ng Pambansang Pulisya.

Ayon sa alkalde at dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng PNP, malaki ang na-accomplish ng naturang komite kaugnay sa pagsusumikap nito na linisin ang buong hanay kapulisan mula sa operasyon sa ilegal na droga at kaugnay nito ay iniulat din niya na marami silang nalaman na mahahalagang impormasyon hinggil sa nasabing issue.

Samantala, kaugnay naman sa napipintong pagreretiro ni PNP chief Azurin ay sinabi ni Magalong na inirekomenda nila sa pamahalaan na manatili itong manungkulan bilang chairperson ng 5-man advisory group kahit na siya ay retirado na.

Sa susunod na linggo inaasahang maipapasa na ng 5-man committee sa tanggapan ng National Police Commission ang resulta ng kanilang screening sa mga courtesy resignation ng mga matataas na opisyal ng PNP.

Matatandaang una nang inahayag ng Pambansang Pulisya na aabot sa 917 mula sa kabuuang bilang na 953 na mga police officials ang na-clear na sa koneksyon ng mga ilegal na droga.

Ngunit sa ngayon ay wala pa rin itong inilalabas na resulta pahinggil sa naging imbestigasyon ng nasabing komite gayung dadaan pa ito sa panibagong mas mahigpit na pagsisiyasat ng National Police Commission bago ito i-endorso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para naman sa pagdedesisyon sa mga tatanggapin courtesy resignation.