Binigyang diin ng Bureau of Immigration (BI) na ang mga bagong alituntunin sa departure na inihayag ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ay “paglilinaw” lamang sa mga umiiral na panuntunan.
Itinuro ng BI ang pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nagsasabing ang mga alituntunin na inilabas ng konseho ay hindi mangangailangan ng karagdagang mga kinakailangan para sa mga papaalis na turista.
Ang binagong mga alituntunin ay naglista lamang ng 4 na pangunahing dokumento na susuriin ng mga opisyal ng Immigration, tulad ng pasaporte na may bisa nang hindi bababa sa 6 na buwan mula sa petsa ng pag-alis; isang naaangkop na wastong visa, kapag kinakailangan; isang boarding pass; at isang kumpirmadong return o roundtrip ticket, kapag kinakailangan.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang bagong guidelines ay nagdetalye lamang ng mga kinakailangan para sa iba pang kategorya ng mga papaalis na Pilipino.
Sa mga bagong alituntunin, ang mga turista na self-funding ay kinakailangang magpakita ng financial capacity o pinagmumulan ng kita at patunay ng trabaho, bukod sa mga ticket at hotel booking.
Ngunit sa isang pahayag, sinabi ng pinuno ng Inter-Agency Council Against Trafficking na si Nicholas Ty na hindi sila nangangailangan ng patunay ng financial capacity para sa karamihan ng mga pasahero.
Ipinagtanggol din ni Ty ang mga kinakailangan dokumento at sinabing ang mga ito ay batay sa iba pang mga batas at isinama sa mga pormalidad ng departure.
Una na rito, ang Inter-Agency Council Against Trafficking ay isang inter-agency body na pinamumunuan ng Department of Justice at co-chaired ng Department of Social Welfare and Development.