Target ngayon ni Philippine National Police Chief PGen Benjamin Acorda Jr. na magpatupad ng bagong sistema sa drug enforcement group ng Pambansang Pulisya.
Ito ay matapos na mapaulat na mayroong humigit kumulang na tatlong libong kapulisan mula sa drug enforcement unit ng PNP ang sangkot sa iba’t ibang uri ng katiwalian.
Sinabi ni Gen. Acorda na dahil dito ay pinaplano niya ngayon na gawing co-plan based ang lahat ng operasyon ng naturang hanay ng kapulisan maging sa regional at provincial level kasabay ng mas agresibo at consolidated operations nito upang mas matiyak na talagang bantay sarado ang kilos ng mga ito.
Una nang inatasan ng heneral ang lahat ng mga intelligence operatives ng PNP na tutukan ang mga police scalawags sa loob ng kanilang organisasyon, kasabay ng direktibang kaniyang iniutos na magiging mas mahigpit at hindi na basta-basta pa ito magtatalaga ng mga kawani sa drug enforcement group ng PNP nang hindi dumadaan sa butas ng karayom.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol Jean Fajardo, nakatakdang sumailalim muli sa panibagong vetting process ang mga personnel ng Pambansang Pulisya na naka-assign sa lahat ng mga drug enforcement unit nito.
Kabilang aniya sa mga tinitignang pamantayan ngayon ng PNP sa pagtatalaga ng mga tauhan ng PDEG ay ang integridad, records, at maging ang tagal ng mga ito sa serbisyo sa nasabing hanay ng kapulisan.
Bukod dito ay lilimitahan din aniya ang tagal sa serbisyo ng mga tauhan ng naturang yunit ng hanggang limang taon upang masiguro na maiiwasan ang familiarity at hindi makain ng sistema ang mga ito.
Matatandaang una na ring sinabi ni Fajardo na kaakibat ng mas pinahigpit na pagtatalaga ng mga personnel sa PDEG ay ang pagsasagawa ng mas mahigpit na background checking at gayundin ang proper documentation ng kani-kanilang report kabilang na abg pagpirma ng mga field commander sa isang dokumento bilang patunay na may background checking na naganap.
Ang panibagong hakbang na ito ng PNP ay nag-ugat sa pagkakatuklas sa katiwalian ng ilang miyembro ng PDEG nang masangkot ang mga ito sa pagpupuslit sa 42 kilo ng ilegal na droga mula sa 990 kilos biggest drug haul sa kasaysayan ng pnp noong nakaraang taon kung saan naaresto si PMSg Rodolfo Mayo Jr. at iba pang mga kasamahan nito na kapwa mga miyembro ng drug enforcement group ng pambansang pulisya.
Dito rin pumutok ang issue at kontrobersiyang kinakaharap ngayon ng buong hanay ng kapulisan nang ianunsyo ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. mayroon umanong tangkang cover up sa naturang kaso.
Dahil dito ay nais din ipatupad ni Acorda ang pagbuwag sa Special Operations Unit ng PDEG kasabay ng pagpapaalala sa lahat ng mga tauhan ng Pambansang Pulisya maging sa mga bagong promote na heneral nito na panindigan ang tungkulin iniatas sa kanila ng organisasyon na maglingkod sa taumbayan at huwag sayangin ang tiwalang ibinigay sa kanila para lang unahin ang kanilang mga pansiriling interes.