Nanumpa ngayong araw bilang bagong Presidente at Chief Executive Officer ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK)ang batikang banker na si Lynette V. Ortiz.
Ito ay kasunod ng kanyang appointment mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa karanasan sa local at international banking.
Pormal na nanumpa si Ortiz bilang 11th President at CEO ng LANDBANK sa harap ni Finance Secretary at LANDBANK Chairman Benjamin E. Diokno sa DOF Building sa Maynila.
Si Ortiz ay ang pumalit kay Cecilia Cayosa Borromeo na humawak sa nasabing puwesto sa loob ng apat na taon.
Bago ang kanyang appointment sa LANDBANK, nagsilbi si Ortiz bilang unang Filipino CEO ng isa ring malaking bangko mula noong Oktubre taong 2016.
Pinamunuan niya ang mga estratehiya upang mapalago ang lokal na prangkisa sa iba’t ibang mga segment ng kliyente at makapaghatid ng sustainable financial performance.
Dagdag dito, nahawakan din niya ang iba’t ibang senior post sa risk management, treasury, corporate finance at capital markets sa mga dayuhan at lokal na institusyon.
Pinangunahan ni Ortiz ang ilang mahahalagang transaksyon sa parehong domestic at international capital market para sa mga issuer ng Pilipinas at ASEAN.
Kaunay niyan, siya rin ay nagsisilbi bilang Unang Vice President sa Board ng Bankers Association of the Philippines (BAP), at miyembro din ng Executive Committee.
Una na rito, nangako si Ortiz na ipagpapatuloy niya ang kahusayan sa LANDBANK of the Philippines sa pagsuporta sa agrikultura at iba pang pangunahing industriya, pagpapalawak sa pananalapi, paghahatid ng tulong sa mga marginalized at mahinang mga sektor, pati na ang pagsuporta sa pagsusulong ng inclusive development agenda sa pagbabangko.