-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Tiniyak ng bagong upong Philippine Military Academy (PMA) corps commander B/Gen. Romeo Brawner Jr. na palalakasin nila ang “honor system” sa akademiya para matuldukan na ang pagma-maltrato sa mga kadete.

Ayon kay Brawner, parte ng kanilang mga plano ngayon ang tuluyang pagwaksi sa tila kinagisnang kulutra ng karahasan at pananahimik sa mga kadeteng nagiging biktima ng pang-aabuso mula sa mga kapwa kadete.

Palalakasin din daw ng bagong pamunuan ng PMA ang kampanya kontra hazing.

Bukod dito, plano ng mga bagong upong opisyal ang pagbabago ng first class system kung saan bibigyan ng kapangyarihan ang mga Cadet 1st Class na magbantay sa mga kadeteng mababa pa ang ranggo.

Tutukan din umano ng mga ito ang mental health ng mga kadeteng matutukoy na biktima ng karahasan nang mabura sa mga ito ang iniwang trauma ng dinanas na karahasan.

Aminado si Brawner na may mga ulat itong nabatid tungkol sa pagpapasa ng upperclassmen sa mababang kadete ng kanilang sinapit na pangma-maltrato mula sa mga dating senior cadets sa PMA.