-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang 15-anyos na bagong panganak matapos na magpakamatay sa kanilang bahay sa Barangay Namnama, Koronadal City.

Ito ang kinumpirma ni Barangay Kapitan Joel Damo sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Kapitan Damo, noong Mayo 4, 2021 lamang nakalabas sa ospital si alyas Yeng matapos na isinailalim sa caesarean operation.

Inihayag pa ni kapitan na sa salaysay ng sariling ina ng biktima, nais umano na patayin ng menor de edad ang kanyang two weeks pa lamang na anak kaya’t kinuha nila ito at itinago.

Napag-alaman na nais umanong dalhin din ng 15-anyos na biktima sa lungsod ng Tacurong ang kanyang anak ngunit hindi ito pinayagan.
Kaya’t nagkulong umano sa loob ng kanilang bahay ang biktima at uminom ng lason .

Powder na lason umano na inilagay nito sa tubig ang ininom ng babae bago pa man nakita ng kanyang kapatid.

Tinangka pa na i-revive ng kanyang kapatid ang biktima bago dinala sa South Cotabato Provincial Hospital ngunit binawian ng buhay.

Dagdag pa ni kapitan, hindi niya umano inaasahan na gagawin ng biktima ang pagpapakamatay dahil nagmamano pa umano ito kung nakikita niya.

Ngunit, inihayag din ng mga magulang ng menor de edad na simula ng lumabas ito sa ospital ay mainitin na ang ulo at hindi na mapagsabihan.

Malaki naman ang posibilidad na nakaranas ng post partum depression ang biktima.

Sa ngayon, nakahanda naman na tulungan ng barangay ang pamilya sa burol at pagpapalibing.