Reading Time: 1 minute

Magkakahalong emosyon ang nararamdaman ni Katrina Llegado na siyang tinanghal bilang Reina Hispanoamericana Filipinas 2019 sa ginanap na Miss World Philippines coronation nitong Linggo.

Ayon sa 21-year-old cum laude graduate, hindi siya makapaniwala na nakasungkit ng korona pero excited na maging kinatawan ng bansa sa Reina Hispanoamericana pageant.

“I still can’t believe that finally I have a crown! I’m so excited to represent FILIPINAS! Maraming salamat sa lahat ng tumulong at sumuporta sa akin!” saad ni Llegado.

Nabatid na kabilang si Katrina sa mga “early favorites” kung saan nakuha niya ang ilan pang special wards gaya ng Top Model, Best in Evening Gown, at Miss Photogenic.

Tatangkain nito na maibigay sa bansa ang pangalawang Reina Hispanoamericana title na unang nasungkit noong 2017 sa pamamagitan ng aktres na si “Winwyn” Marquez.

Noong nakaraang taon ay bigo ang ating pambato na si Alyssa Muhlach Alvarez sa target na back-to-back win matapos na hindi na nakapasok sa Top 10.

Si Alyssa ay kabilang sa showbiz clan kung saan magulang nito ang aktres na si Almira Muhlach at dating PBA (Philippine Basketball Association) star Bong Alvarez, habang tito niya si Aga Muhlach.