-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Ibinunyag ng grupo ng mga magsasaka sa lalawigan ng Benguet ang bagong modus sa smuggling ng mga gulay sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Manager Agot Balanoy ng hi-land farmers cooperative na batay sa nakukuha nilang impormasyon, inililipat ang mga carrots sa mga malalaking boxes na walang marka at ito ang dinadala nila sa mga business establishment na nag-oorder ng carrots gaya ng mga restaurants.

Ito aniya ang dahilan kaya walang dumadaan sa mga palengke at wala nang nakukumpiska.

Aniya, naiparating na nila sa Department of Agriculture (DA) ang bagong modus sa pagdisposed ng mga smuggled carrots pero wala pang tugon gayunman ay tiniyak niya na nakahanda silang makipagtulungan sakali mang ito ay imbestigahan.

Ayon pa kay Balanoy, maliban sa problema nila smuggling ay parang wala rin umanong pera ang mga mamamayan kaya matumal pa rin ang demand batay sa kanilang natatanggap na impormasyon.

Sa ngayon ay nasa 50% na ang hindi nabibili sa produkto ng mga magsasaka sa lalawigan ng Benguet at katumbas ito ng nasa tatlong milyong piso na lugi sa bawat araw.

Hiling nila sa susunod na administrasyon na pagtuunan ng pansin ang sektor ng agrikultura dahil kawawa ang mga magsasaka.

Panawagan din niya sa mga consumers na tangkilikin pa rin ang mga produkto ng mga Pilipino para hindi sila mawalan ng hanapbuhay at sa mga magsasaka naman ay huwag mawalan ng pag-asa at ipagpatuloy pa rin ang pagtatanim.

Sa mga nanalo namang kandidato noong halalan ay gawin ang kanilang mga pangako noong nangangampanya pa lamang sila lalo na ang pagtulong sa mga magsasaka.