Muling nagbabala ang Bureu of Immigration (BI) sa lahat ng mga human trafficking syndicates na nambibiktima ng mga overseas Filipino workers (OFWs) para makapunta sa ibayong dagat.
Kasunod na rin ito ng pagkakahuli ng isang babaeng gumamit ng birth certificate ng kanyang kaibigan para makapagtrabaho sa Saudi Arabia.
Ginamit ng biktimang umaming 20-anyos pa lamang ang birth certificate ng kanyang kaibigang isang 24-anyos na taga-Mindanao.
Kung maalala ang age requirement ng mga household service workers (HSW) sa Saudi ay dapat 23-anyos pataas.
Dahil dito, base sa report kay Commissioner Jaime Morente ni BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU), nakakuha raw ang biktima ng kanyang Philippine passport pero sa ilalim ng pangalan at kaarawan ng kanyang kaibigan.
Ginamit niya ito para makakuha ng overseas work permit sa pamahalaan maging ang employment visa at job contract sa Saudi.
Naharang naman ito ng BI personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nang tangkaing sumakay sa Qatar Airways at dito nabuking ang modus ng mga human trafficking syndicates na siyang umasikaso sa iligal sanang pag-alis ng OFW.
Sa isinagawang pagtatanong, inamin naman daw ng biktimang pineke nito ang kanyang mga dokumento at ipinahiram lamang ng kanyang kaibigan ang ginamit nitong birth certificate.
“By assuming the identity of another person, she was able to secure a Philippine passport under a different name and with a different date of birth. This enabled her to obtain an overseas work permit from the government and her employment visa and job contract in Saudi Arabia,” ani Manahan.
Dagdag ng biktima, ginamit daw niya ang birth certificate ng kanyang kaibigan para makakuha ng iba pang identification documents gaya ng taxpayer’s identification number (TIN) card at postal ID.
Nagpaalala naman si Morente sa mga gustong mag-abroad na huwag papalinlang sa mga ganitong modus.
Dagdag ni Morente, hindi makakalusot ang mga ganitong modus dahil sumailalim sa masusing pagsasanay ang mga BI officers sa mga paliparan kayat madali nilang makikilala ang mga underage na OFWs.
“There’s a syndicate behind this illegal recruitment of minors and underage women. For the past five years we have intercepted and stopped the departure of hundreds of these underage OFWs so our officers at the airports are always vigilant and on the lookout for these passengers,” anang BI chief.
Sa ngayon, hawak na ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang biktima habang inihahanda naman ang mga kasong isasampa sa mga recruiter nito.