-- Advertisements --
cropped Bureau of Immigration

Nabulgar ang panibago na namang modus ng human trafficking matapos na masagip ang dalawang babaeng biktima na nais magtrabaho sa ibang bansa na nagpanggap bilang Muslim pilgrims.

Target sa bagong scheme ang mga Pilipinong gustong magtrabaho sa ibang bansa bilang mga household worker sa pamamagitan ng pagpapanggap ng mga ito bilang mga relihiyosong pilgrim.

Natuklasan ito ng Bureau of Immigration matapos na harangin ng kanilang mga tauhan sa travel control at enforcement unit ang dalawang babae na nagtangkang lumipad patungong Doha, Qatar.

Sa isang pahayag, ayon sa BI sinabi ng dalawang biktima ng trafficking na may edad 36 at 37 taong gulang na mga Muslim pilgrims sila. Sinabi rin ng mga ito na plano nilang maglakbay sakay ng bus patungo sa Kingdom of Saudi Arabia upang lumahok sa Umrah na hindi obligado ngunit mahalagang paglalakbay para sa mga Muslim.

Sinabi rin nila na kamakailan lamang ay nagbalik-loob sila sa Islam at nagplano silang manatili sa Saudi sa loob ng pitong araw.

Gayunpaman, napansin ng mga opisyal ang maraming hindi pagkakapare-pareho sa pahayag ng dalawamg biktima.

Kalaunan ay inamin din ng dalawa na gawa-gawa lamang ang kanilang mga dokumento at na-recruit sila ng isang babae sa pamamagitan ng isang online platform at nagpoproseso ng kanilang mga visa at ticket.

Sinabi ng mga biktima na inutusan silang magpanggap bilang mga Muslim para umalis ng bansa.

Itinurn-over na ang dakawang biktima sa Inter-Agency Council against Trafficking para sa karagdagang imbestigasyon at upang simulan ang mga kaso laban sa kanilang recruiter.

Noong Marso, sinabi ng immigration bureau na naobserbahan ang pagtaas sa bilang ng mga young professionals na nabibiktima ng cryptocurrency scam sa ibang bansa na nagaalok ng mataas na sahod dahilan ng mahigpit at mahabang pagtatanong ng mga opisyal ng immigration bureau upang masalang mabuti ang mga pasahero at maiwasang mabiktima ng human trafficking.