-- Advertisements --
image 354

Nakatakdang ilabas ang bagong mapa ng Pilipinas na nagpapakita ng maritime entitlements ng bansa para i-counter ang kontrobersiyal na 10-dash line map ng China.

Ayon kay NSC spokesperson Jonathan Malaya, ang updated map ng bansa ay sumasailalim pa sa approval process subalit ito ay alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea at 2016 Arbitral Award.

Sinabi din ni Malaya na maaaring mag-reflect din sa mapa ang Philippine Rise award na isang extended continental shelf sa silangang bahagi ng Pilipinas.

Ang Philippine Rise na dating tinatawag na Benham Rise ay isang 13 million hectare underwater plateau malapit sa Aurora at pinaniniwalaang magandang source ng naturang gas at iba pang resources.

Matatandaan na noong Agosto ng kasalukuyang taon, naghain ang PH ng protesta sa China matapos na maglabas ito ng updated standard map na nagpapakita ng 10 dash line na nasa U shape kung saan sinasaklaw nito ang halos kabuuan ng disputed waters bilang parte ng kanilang teritoryo kabilang na ang exclusive economic zone ng PH gayundin ng Malaysia, Brunei, Vietnam at Indonesia.