Umaasa ngayon ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na mas mabilis na ang pagproseso ng kanilang mga aplikasyon at deployment.
Ito’y may kaugnayan sa “assumption” ni Susan Ople bilang bagong kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) chief Bernard Olalia na iniutos ni Ople sa ahensya na tiyakin ang mas madali at mas mabilis na transaksyon para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Aniya, maaaring asahan ng mga aplikante ng trabaho sa ibang bansa ang pagbabago sa mga darating na araw kapag opisyal nang pumalit sa kanyang posisyon si Ople.
Sa ngayon, inamin ni Olalia na nakararanas ng hamon ang POEA matapos na biglang tanggalin ng DMW ang website ng POEA.
Sinabi niya na maraming mga online na serbisyo ng POEA ang hindi gumagana bilang resulta ng hakbang ng DMW.
Gayunpaman, nagbigay ng katiyakan ang POEA chief na tinutugunan ng kanyang ahensya ang isyu at naglabas na rin ng tagubilin si Ople na muling buksan ang website ng POEA.
Napag-alaman na ang paglipat ng Department of Migrant Workers ay tatagal ng dalawang taon gaya ng itinatadhana sa ilalim ng batas, ayon pa kay Olalia.
Ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na isasama sa bagong departamento ay patuloy na mag-operate hanggang sa ito ay ganap na mabuo.