-- Advertisements --

Tintutulan ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang posibleng pagtakbo ni dating Majority Leader at Capiz Rep. Fredenil Castro sa minority race.

Iginiit ni Zarate na ang Minority Leader ay dapat na magmula sa tunay na oposisyon na tumututol sa anti-democratic at anti-people policies ng administrasyon.

“Mahirap namang hawak na nga nila ang leadership ng Congress ay pati minority leadership ay kukunin pa nila,” saad ni Zarate.

Hindi aniya uubra ang isang “company union” sa Kongreso ngayon lalo pa at Charter Change ang pangunahing isasalang sa pagbubukas ng 18th Congress.

Nauna nang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na posibleng tumakbo si Castro para sa minority leadership kasunod nang endorsement ni Pangulong Rodrigo Duterte sa term sharing nina Taguig City Rep. Allan Peter Cayetano at Leyte Rep. Lord Alan Velasco.

Pero para kay Zarate, “premature” o masyado pang maaga para pag-usapan ang minority leadership dahil hindi pa naman aniya tapos ang House speakership race sa kabila nang endorsement ni Pangulong Duterte.