-- Advertisements --

Pirmado na ang updated guidelines sa expanded testing ng COVID-19 sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Ibig sabihin madadagdagan pa ang grupo ng mga indibidwal na masasali sa prayoridad ng gobyerno sa pagte-test.

“Ngayong pumapalo na ang ating mga capacity for testing nang mataas na rin, almost 20,000 in a day na. Napag-desisyunan na ie-expand pa natin further ang ating testing,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Napirmahan na ni Sec. (Francisco) Duque yung ating guidelines na bago. Ia-upload na lang sa aming website para magkaroon ng number, to make it official and then pwede nang umpisahan ‘to.”

Sa ilalim ng bagong guidelines, apat na subgroup ang inaprubahang madagdag sa anim na grupong sakop noon ng expanded testing.

Kabilang dito ang residente ng mga lugar na natukoy na may clustering of cases at community transmission, pati na mga frontliners sa tourist zones.

“Alam natin na gusto na natin unti-unting buksan ang ating ekonomiya, and this is part of how we will be opening our economy.”

Sinali na rin ng DOH ang mga manggagawa ng mga manufacturing companies at public service providers, tulad ng mga workers sa economic zones.

Huli sa listahan ang tinatawag na economy workers o mga araw-araw na pumapasok sa kanilang trabaho na manggagawa.

“Dito papasok yung mga commonly na nagta-trabaho like drivers, konduktor, piloto, flight attendants, waiters sa mga restaurants, managers and supervisors.”

“Teachers at all levels of education, bank tellers, mga nasa non-food retail like cashiers, store clerks.”

Ayon kay Vergeire, kasali rin ang service workers tulad ng security guards, hair dressers at messengers.

“Gusto natin kapag slowly binuksan natin ang ekonomiya, mayroon tayong safeguard ang mga empleyado at businesses na alam nila na pwede silang i-test. Para masigurado rin naman ng mga kliyente nila na walang impeksyon na nangyayari sa kanilang establishments.”