Nakikita ng OCTA Research group na bababa pa ng hanggang 3,000 hanggang 4,000 ang COVID-19 infections kada araw pagsapit ng Disyembre, habang sa Metro Manila naman ay tinatayang aabot sa 400 hanggang 600 ang daily cases.
Ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David, ang lahat ng ito ay dipende pa rin aniya kung magpapatuloy ang trend na naitala sa mga nakalipas na araw at linggo.
Ang projection na ito ni David ay mas mababa kumpara sa estimates niya noon lang Setyembre 29 kung saan sinabi niya na maaring abutin ng 5,000 hanggang 6,000 ang bagong COVID-19 cases kada araw pagsapit ng Disyembre.
Kahapon, sinabi niya na ang seven-day average ng bagong COVID-19 cases sa NCR sa kasalukuyan ay 1,933, pinakamababa magmula noong Hulyo 31 hanggang Agosto 6.
Ang reproduction number naman ay 0.61, mas mababa kumpara sa 0.74 na naitala sa nakalipas na linggo.