Nilinaw ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Jose Antonio Sy-Alvarado na hindi makakaapekto sa magiging desisyon ng Kamara sa franchise bid ng ABS-CBN ang inilabas na alias cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ito ay matapos na ipinahinto kahapon ng NTC ang broadcast operations ng Sky Direct pati na rin ang digital television transmission ng ABS-CBN sa TV Plus gamit ang Channel 43.
Sa isang panayam, sinabi ni Alvarado na tanging sa mga gumagamit lamang sa naturang serbisyo ang maapektuhan ng cease and desist order ng NTC pero walang implikasyon naman sa mga pagdinig na isinasagawa ng Kamara sa 25-year franchise bid ng ABS-CBN.
Iginiit ni Alvarado na wala namang pagkakaiba nang pagkakaroon at kawalan ng ceased and desist order dahil Mayo 5 pa lamang ay paso na aniya ang prangkisa ng media giant.
Kahapon inilabas ng NTC ang alias cease and desist order habang tinatalakay sa Kamara ang ilang issue na kinakaharap ng network.
Kinuwestiyn ng ilang mga kongresista ang patuloy na pag-ere ng ABS-CBN ng kanilang mga palabas gamit ang Channel 43 sa kabila ng cease and desist order na inilabas ng NTC na nagsasabing dapat nang ihinto ang broadcast operations ng network makaraang mapaso ang prangkisa nito noong Mayo 4.
Sa panibaong kautusan, binigyan diin ng NTC na kabilang ang TV Plus sa listahan ng mga radio at TV stations na pinasasara nila sa oder na inilabas noon namang Mayo 5.