-- Advertisements --

Nakatakda nang mabuo sa Mayo ang una sa dalawang bagong biling frigates ng Philippine Navy mula sa Hyundai Heavy Industries sa South Korea.

Ayon kay Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad, pupunta sila ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa South Korea sa Mayo para sa launching ceremony ng frigate na pinangalanang “BRP Jose Rizal.”

Sinabi ni Empedrad, ito ang unang pagkakataon na palulutangin ang barko matapos na mabuo habang nasa dry-dock.

Susundan ito ng keel-laying ceremony o ang pagsisimula ng konstruksyon ng pangalawang barko na papangalanan namang “BRP Antonio Luna.”

Ayon kay Empedrad, anim na buwan ang pagitan sa delivery ng bawat barko mula South Korea.

Bahagi ito ng P15.7 billion Frigate Acquisition Project ng Philippine Navy.

Una nang naging kontrobersyal ang proyekto nang magkaroon ng pagtatalo sa Combat Management System na ilalagay sa mga naturang barko noong nakaraang taon.

Bukod sa launching ng unang frigate, pupuntahan din nina Empedrad at Sec. Delfin Lorenzana ang ibinigay na Corvette ng South Korea na bahagi pa rin sa First Horizon ng Armed Forces of the Philippines modernization program.

May mga navy personnel na rin ang tutungo sa Korea para sumailalim sa training.

Samantala, idedeliver na rin sa darating na May 14 ang dalawang bagong biling anti-submarine helicopters ng Philippine Navy- ang AgustaWestland AW-159 “Wildcat”.

Ang nasabing aircraft ay mayroong torpedo at missile.

Darating na rin sa Mayo ang apat na amphibious assault vehicles para sa Philippine Marines.