-- Advertisements --

c 295

Dumating kahapon sa Clark Air Base, Mabalacat, Pampanga ang bagong C-295 transport plane ng Philippine Air Force (PAF).
Ayon kay Philippine Airforce Spokesperson Col. Maynard Mariano, ito ang unang dineliver sa tatlong C-295 aircraft na binili mula sa Airbus Defense and Space ng Spain.

Ang 3 bagong transport planes ay bahagi ng Medium Lift Aircraft Acquisition Project na isinakatuparan ng alinsunod sa Republic Act Nr 9184 o Government Procurement Reform Act.

Sa paglapag ng unang eroplano sa Clark airbase pasado alas-5:00 ng hapon kahapon, binigyan ito ng water-cannon salute habang patungo sa tarmac ng paliparan.

Ayon kay Mariano, ang mga bagong eroplano ay gagamitin ng 220th Airlift Wing ng Air Mobility Command sa paghahatid ng mga tropa at kagamitan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang nasabing proyekto ay bahagi ng Horizon 2 ng AFP Modernization Program.

Ayon kay Col. Mariano ang tatlong bagong C-295 aircraft ay nagkakahalaga ng P5.288 billion kabilang na dito ang logistics support at transition training sa mga piloto.
” The 3 units is P5.288 Billion that includes the logistics support and transition training of the pilots,” pahayag ni Col. Mariano.
Hindi pa masabi ni Mariano kung kailan darating ang dalawa pang C-295 aircraft pero inaasahan na ito sa mga susunod na buwan.
Sasailalim muna sa inspection process ang nasabing aircraft bago ito i-commission sa serbisyo.