BOMBO DAGUPAN — Dapat panatilihin ang independence ng Kongreso sa lahat ng pagkakataon.
Ito ang naging kahilingan ni Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Raymond De Vera Palatino sa mga mambabatas sa gitna ng pagtawag ng ilang mga grupo na ibasura ang Charter Change kasabay ng pagpapalit ng liderato sa Senado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na bilang co-equal branch ng gobyerno, ay kinakailangang igalang ng lahat ang desisyong magpalit ng liderato lalo kung ito ay para sa interes ng bansa.
Aniya na naniniwala ito sa binitiwang pahayag ni dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri partikular na tinutukoy nitong “powers that be” na naging dahilan sa kanyang pagkawala sa pwesto.
Saad nito na ang usapin naman sa pagbasura ng Charter Change ang ipagpapatuloy nilang ipaglaban kahit na nagbago ang liderato sa Senado.
Maliban pa dito ay nananawagan din sila na lalong matutukan at aprubahan ni bagong talagang Senate President Francis “Chiz” Escudero ang matagal na nilang panawagan sa people’s agenda gaya na lamang ng pagtataas ng sahod, at gayon na rin ang pagsuporta sa mga human rights defender.
Kaugnay nito ay ikinatutuwa naman nila ang posibilidad na “patay” na ang usapin sa Resolution of Both Houses No. 6 and 7 para sa Economic Provisions sa ilalim ng Charter Change.
Gayunpaman, ani Palatino na mayroong tatlong pamamaraan ang Charter Change.
Ito ay sa pamamagitan ng Constitutional Convention (Con-Con), Constitutional Assembly (Con-Ass), at People’s Initiative (PI).
Samantala, sinabi nito na kinakailangang maging mapagbantay ng publiko lalo ngayong nagpahayag ng pagnanais si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na itulak ang pagpasa sa Charter Change.
Umaasa naman sila na magiging bukas ang opisina ni Sen. Escudero para sa mga nais nilang ihapag na People’s Agenda, hindi maging divisive ang mga isaabatas nilang mga panukala gaya na lamang ng Charter Change, at bagkus ay patuloy na maging pro-Filipino at pro-poor ang mga ipapasang mga batas.