-- Advertisements --

Magsisimula nang mag-ikot sa iba’t ibang lugar sa bansa sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Christopher “Bong” Go para sa kanilang pagtakbo sa halalan sa susunod na taon.

Ayon kay PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag, sa Visayas at Mindanao unang mag-iikot ang “BaGo” tandem.

Oktubre 2 nang maghain ng kanyang certificate of candidacy si Go para tumakbo bilang bise presidente habang si Dela Rosa naman ay noong Oktubre 8 bilang standard bearer ng ruling party na PDP-Laban.

Sinabi ni Matibag na ang pag-iikot ng BaGo tandem ay para muna sa mga miyembro ng kanilang partido na tatakbo sa local scene.


Samantala, iginiit naman din ni Matibag na sa ngayon si Dela Rosa ang kanilang kandidato sa pagkapangulo sa kabila ng mga ispekulasyon na kalaunan ay papalitan ito ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Ayon kay Matibag, “nakataga sa bato” na si Dela Rosa ang kanilang standard bearer, pero bukas naman aniya sila sa anumang posibleng mangyari bago ang November 15 deadline na itinakda ng Comelec para sa substitution ng mga kakandidato.

Nauna nang nagsabi si Duterte-Carpio, na miyembro ng Hugpong ng Pagbabago, na hindi siya tatakbo sa pagkapangulo bagkus itutuloy niya ang kanyang reelection sa pagiging alkalde ng Davao City.

Sakali mang magkaroon ulit ng pagbabago, sinabi ni Matibag na kailangan dumaan sa wastong proseso ang lahat, gaya na lamang ng panunumpa sa kanilang partido.