Nagpapatuloy ang manhunt operation na inilunsad ng Calamba-Philippine National Police para madakip ang suspek na bumaril at nakapatay sa Grade 7 student sa Castor Alviar National High School sa Barangay Masili, Calamba City kahapon ng tanghali.
Kinilala ang suspek na si Renan Estrope Valderama alyas Renz Ivan Balderama, security guard na tinatayang 30s ang edad.
Si Valderama na sinasabing bakla ang umano’y kumukupkop sa biktimang si Mark Anthony Andress Miranda, 15-anyos, matapos na makulong ang ina ng biktima dahil sa droga.
Base sa imbestigasyon, bandang alas-12:30 ng tanghali kahapon nang bigla na lang binaril ng dalawang beses ng suspek ang biktima na nasa loob ng mismo ng silid-aralan gamit ang isang short firearm.
Naisugod pa sa ospital ang biktima matapos magtamo ng mga tama ng bala sa katawan kung saan inisyal itong idineklarang “brain dead” pero pumanaw din pagsapit ng hapon.