-- Advertisements --

Siniguro ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang kahandaan ng ahensiya para tugunan ang posibleng epekto ng nagbabantang El Niño.

Ito ay kasunod ng naunang anunsyo ng state weather bureau na may 79% na tyansang umiral ang El Niño sa mga buwan ng Hunyo hanggang Agusto 2026.

Ayon kay Gatchalian, may kabuuang 4.7 milyong national stockpile ng Family Food Packs (FFP) ang DSWD na maaaring pantugon sa El Niño atbpang kalamidad na maaaring mangyari o maranasan ng bansa.

Aniya, ito na ang pinakamalaking naitalang stockpile sa kasaysayan ng kagawaran sa buong Pilipinas.

Bahagi aniya ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking mabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa anumang sakuna.

Tiniyak din ni Gatchalian na hindi na hinihintay ng ahenisiya ang pagpasok ng El Niño o ng iba pang kalamidad, at sa halip ay araw-araw itong naghahanda , malaki man o maliit ang kalamidad.

Sa kabilang banda, tuloy-tuloy naman ang prepositioning na ginagawa ng ahensiya, patungo sa mga natukoy na strategic areas, malapit sa mga bulnerableng lugar.