Naging matagumpay ang Integrated Air and Missile Defense (IAMD) exercise ng Armed Forces of the Philippines at United States Armed Forces sa San Antonio, Zambales.
Ito ay bahagi ng nagpapatuloy na 2026 Balikatan Exercises kung saan libu-libong sundalo mula PH, US, Japan, Australia, atbpang bansa ang nakikibahagi.
Isinagawa ang military simulation sa loob ng tatlong araw (April 26 – April 29) sa ilang strategic areas sa Zambales.
Ginamit sa naturang military drill ang iba’t-ibang makabagong defense systems tulad ng U.S. Marine Air Defense Integrated System (MADIS), military drones, atbpang gamit-pandigma.
Nagsama-sama dito ang mga pangunahing air defense units, tulad ng 3rd Light Air Defense Artillery Battalion (LAAB), E/6-52 35th Air Defense Artillery (ADA), at ang 960th Air and Missile Defense Wing (AMDW).
Isa sa mga pangunahing layunin ng naturang simulation ay ang palakasin ang kakayahan ng Pilipinas at U.S. laban sa mga banta sa himpapawid at masuri ang mga dapat pang malinang.
Nagsilbi namang observer ang Japan Air Self-Defense Force sa simulation. (report by Bombo Genesis)
















