-- Advertisements --

Ipinagtanggol ni Bacoor City Mayor Lani Revilla na magiging daan ang 420-hectare reclamation projects sa lungsod upang makapagbigay ng trabaho at kabuhayan sa mga taong nangangailangan ng tulong dulot ng coronavirus pandemic.

May kaugnayan ito sa panghihikayat ni Sen. Cynthia Villar sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na itigil ang reclamation project sa lungsod ng Bacoor.

Sa isang statement, sinabi ni Revilla na sa ganitong panahon kung saan maraming taga-Bacoor at libo-libong OFW na nawalan ng hanapbuhay at mapagkakakitaan ay mas lalong kailangan isulong ang proposed reclamation project.

Ayon sa alkalde base raw sa estimates ng twin reclamation projects ay halos 700, 000 na trabaho ang maibibigay sa mamamayan ng Cavite at iba pang kalapit na lugar.

Nabatid din umano ng lokal na pamahalaan ng Bacoor na dahil sa naturang proyekto ay makakapagpasok ito ng P1.8 billion na kita sa turismo ng lungsod.

-- Advertisement --

Bukod pa rito, ang karagdagang buwis umano mula sa proposed reclamation projects at mga negosyong itatayo dito ay malaki ang maitutulong para makalikom ng pondo na gagamitin upang tugunan ang problema ng mga taga-Bacoor na higit na nangangailangan ng tulong.

Binigyang-diin din ni Revilla na ang mga maaapektuhan ng reklamasyon, tulad ng mga informal settlers at mga mangingisda ay ililipat sa loob ng siyudad ng Bacoor at bibigyan ng kasiguraduhan sa pabahay kung kaya’t mananatili sila sa kanilang hanapbuhay at walang dislokasyon na mangayayari.

“Sa gitna ng matinding krisis dulot ng COVID-19, dapat po ay magkaisa tayo at magtulungan lalung-lalo na sa paghanap ng mga paraan para maiahon ang mga kababayan nating nawalan ng trabaho at walang makain. Tulad ng panawagan ng ating mga pangulong Rodrigo Duterte, kailangang magtulungan upang maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan,” saad ni Revilla.

Ang in-city relocation at job generation component ng proyekto ay alinsunod umano sa mga key strategies ng National Economic Development Authority (NEDA) sa ilalim ng Manila Bay Sustainable Development Master Plan.