Mahigpit na ipatutupad ng Bacoor City government ang lockdown sa buong lungsod matapos maitala rito ang kauna-unahang kaso ng COVID-19.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla, kinumpirma nito na isang 48-taong gulang na lalaki ang dinapuan ng naturang virus at kasalukuyang naka-confine sa RITM.
Magsisimula umano mamayang alas-dose ng hatinggabi ang lockdown at hindi papayagang lumabas ang mga Bacooreño sa kanilang mga bahay.
Exempted naman mula sa naturang lockdown ang mga health workers, BDRRMO officers, baranggay officials, medical practitioners, maging ang mga empleyado ng bangko at drugstores.
Hindi na rin papayagan na pumasada ang mga public transportation bilang hakbang ng Bacoor government upang hindi na kumalat pa ang coronavirus sa lungsod.
Gayunpaman, sinabi ng alkalde na nakipag-ugnayan na sila sa isang pribadong kumpanya na nagbigay ng limang shuttle services para tulungang makarating hanggang PITX ang mga Bacooreno na kinakailangang pumasok sa kanilang mga trabaho.
“So far, no need na mag-declare ng state of calamity dahil lumalabas na nationawide na ito. Nag-allot na kami ng funds para sa kalamidad kaya nakakapag-repack na kami ng food packs ngayon para sa distribution ng lungsod,” saad ni Revilla.