-- Advertisements --

Handa ang Department of Migrant Workers (DMW) na pauwiin ang mga Pilipino mula sa Middle East kasunod ng anunsyo na heightened alert status dulot ng sigalot sa pagitan ng Israel at Iran.

Ayon kay Undersecretary Bernard Olalia, naka-high alert at handang tumugon sa anumang posibleng mangyari ang DMW, kasama ang mga Migrant Workers Offices (MWO) at mga labor attaché sa rehiyon. 

Pinaalalahanan ni Olalia ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at ang kanilang mga pamilya na aktibo na ang hotline ng ahensya upang magbigay ng tulong sa mga maaapektuhan ng sitwasyon.

Ipinaliwanag ni Olalia na ang Alert Level 3, o ang boluntaryong repatriation, ay ipinatutupad na sa Israel simula pa noong 2023.

Aniya, may humigit-kumulang 20,000 OFWs sa Israel, na nagtatrabaho bilang caregivers, pati na rin sa hotel, agrikultura, manufacturing workers, at iba pang sektor.