KALIBO, Aklan—Mistulang bola na pinagpasa-pasahan ng Kamara at Senado ang impeachment complaint ni Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito ni Senator-elect Francis “Kiko” Pangilinan sa interview ng Bombo Radyo na aniya’y dahil sa walang nakalagay sa konstitusyon na salitang “remand” gaya sa naging pasya ng Senado na nag-convene bilang impeachment court.
Maalala na sa botong 18–5, ibinalik ng Senado sa House of Representatives ang mga articles of impeachment laban sa Bise Presidente sa halip na lubusang ibasura.
Ayon pa kay Pangilinan na malaki ang posibilidad na muli itong ibalik ng Kamara sa Senado upang ipagpatuloy ang trial.
Obligado aniya ang Senado sa ilalim ng Saligang Batas na bumuo ng impeachment court sa oras na matanggap ang articles of impeachment mula sa mababang kapulungan ng kongreso.
Iginiit nito na acquittal o conviction lamang ang maaaring pagpilian na desisyon ng mga senador bilang mga judge ng impeachment trial kung may sapat na ebidensya.