CEBU CITY – Nagpalabas na si Cebu Governor Gwendolyn Garcia ng Executive Order (EO) No. 19 na nagpapahintulot ng pag-backride sa mga pribadong motorsiklo.

Sa kanyang press conference nitong Miyerkules, sinabi ni Garcia na sa nasabing EO, dalawang katao lang ang puwedeng sumakay kabilang na ang driver at backrider nito.

Dagdag pa ni Garcia na base sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code, hindi naman ipinagbabawal ang backrider sa mga motorsiklo.

Kaugnay nito, magpapatawag ng special session ang gobernadora bukas, Biyernes, upang ipasa ang ordinansa na nag-adopt sa EO 19.

Samantala, nagpahayag ng kometo si Land Transportation Office (LTO) Regional Director Victor Caindec kaugnay nito.

Ayon kay Caindec, hihintayin pa nila sa LTO at Department of Transportation kung ano ang magiging aksyon matapos maisumite ang EO at saka na sila kikilos kung ano ang i-prescribe sa kanila.

Kung ano man aniya ang ipinapatupad sa lalawigan sa ngayon ay ‘yun muna ang susundin.