-- Advertisements --

Nagbabala si Tingog Partylist Rep. Jude Acidre hinggil sa posibleng krisis sa pagkain sa bansa, kasabay ng lumalalang problema sa presyo ng krudo na direktang nakaaapekto sa halaga ng pagkain.

Ayon kay Acidre, ang pagtaas ng presyo ng langis ay nagpapamahal sa transportasyon, farm inputs, at distribusyon ng pagkain, na nagdudulot ng pagtaas ng food inflation at dagdag na pasanin sa mga pamilyang Pilipino.

Nanawagan siya sa pamahalaan na kumilos agad upang mapatatag ang suplay ng pagkain, kabilang ang maagang pagpoposisyon ng bigas at iba pang pangunahing bilihin, pagtiyak sa suplay ng abono, at pakikipag-ugnayan sa mga logistics operator.

Binigyang-diin din niya ang agarang pagpapalabas ng subsidiya para sa mga magsasaka at mangingisda upang mapanatili ang produksyon at maiwasan ang kakulangan sa suplay.

Para kay Acidre, ang seguridad sa pagkain ay katumbas ng pambansang seguridad, kaya’t kinakailangang kumilos habang may oras pa upang maiwasan ang krisis.