-- Advertisements --

Kinondena ni Italian Prime Minister Giorgia Meloni ang mga pahayag ni U.S. President Donald Trump laban kay Pope Leo XIV, na tinawag niyang “unacceptable,” kasabay ng pagtaas ng tensyon sa pagitan ng White House at Vatican.

Sa isang pahayag noong Lunes, sinabi ni Meloni na hindi dapat ginagawang target ng pagbatikos ang Santo Papa, na aniya ay pinuno ng Simbahang Katolika at may tungkuling magtaguyod ng kapayapaan at magpahayag laban sa digmaan.

“I find President Trump’s words towards the Holy Father unacceptable,” ani Meloni, at idinagdag na “normal” lamang para sa Pope na manawagan ng kapayapaan.

Maalalang naging kontrobersyal ang mga pahayag ni Trump matapos niyang batikusin si Pope Leo XIV sa social media at sa ilang panayam, kung saan tinawag umano niya itong “weak on crime” at “terrible for foreign policy.”

Iniugnay rin ni Trump ang naging pag-pili kay Pope Leo sa pagiging Amerikano nito, na aniya ay “the best way to deal with [him].”

Dahil dito, bumuwelta si Pope Leo, kung saan sinabi niya na hindi siya natatakot sa administrasyon ni Trump at patuloy siyang magsasalita para sa kapayapaan.

“I have no fear of the Trump administration… I believe in the message of the Gospel as a peacemaker,” pahayag ng Santo Papa.

Nilinaw din ng Vatican na ang tungkulin nito ay hindi katulad ng mga pulitiko sa larangan ng foreign policy, ngunit nakatuon sa moral na panawagan laban sa karahasan at digmaan.

Samantala, iniulat na binura na ang isang social media post na nagpapakita kay Trump na inihalintulad kay Jesus, na naunang itinanggi ni Trump at sinabing siya ay inilalarawan lamang bilang isang doktor.