Bunsod ng patuloy na tensyon sa pagitan ng United States, Israel, at Iran, ligtas na inilikas at nakauwi sa Pilipinas ang siyam na distressed overseas Filipinos, kabilang ang apat na maliliit na bata, mula sa Tehran.
Ayon sa ulat ng Philippine Embassy sa Tehran, lumapag sa Maynila ang nasabing grupo nakaraang Abril 6, 2026, sakay ng mga commercial flights mula sa Istanbul.
Dahil sa pangamba sa lumalalang sigalot, napilitan ang mga Pilipino na lisanin ang Tehran at iba pang kalapit na lungsod upang humingi ng repatriation assistance sa embahada.
Upang mailabas nang ligtas ang mga Pilipino, idinaan sila sa Razi-Kapikoy border crossing mula Iran patungong Türkiye.
Pinangunahan mismo ni Ambassador Roberto G. Manalo ang operasyon, katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Embassy sa Ankara, at ang mga consulates general sa Istanbul at Hong Kong.
Bago ang kanilang ligtas na pagtawid, pansamantalang pinatuloy ang siyam na Pilipino sa Embassy Chancery building sa Tehran.
Nabigyan din sila ng limang araw na exceptional transit visas papasok ng Türkiye batay sa humanitarian grounds, sa pakikipagtulungan na rin ng Turkish Ministry of Foreign Affairs.
Kasabay nito, nag-deploy ang Philippine Embassy sa Ankara ng isang Rapid Response Team sa mismong border upang salubungin at asikasuhin ang mga inilikas.
Binigyang-diin ng embahada na ang matagumpay na operasyon ay patunay ng mahigpit na koordinasyon ng mga Foreign Service Posts ng Pilipinas upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino sa kabila ng kinakaharap na banta sa pulitika at seguridad sa rehiyon.
















