Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang suplay ng langis ng bansa sa 50-araw, habang inaasahan ang pagdating ng karagdagang buffer stocks ngayong buwan ng Abril.
Ayon kay DOE Undersecretary Sandy Sales, nasa 900,000 barrels ng langis ang naka-iskedyul na dumating ngayong buwan.
Kabilang dito ang unang 300,000 barrels na inaasahang darating bago mag-Abril 10 na galing mula Malaysia, habang dalawa pang shipment ang susunod na darating mula North Asia at India.
Sinabi naman ni Energy Secretary Sharon Garin na ang buffer stocks ay kinukuha sa ilalim ng Emergency Energy Security Program, at may sapat pang panahon ang bansa upang magdagdag ng suplay kung kinakailangan.
Batay sa datos ng DOE, ang kasalukuyang suplay ng gasolina, diesel, at iba pang produktong petrolyo ay aabot mula 47 hanggang mahigit 100 araw, depende sa uri nito.
Sa kabila nito, nananatiling mataas ang presyo ng langis sa Metro Manila at iba pang urban areas, kung saan ang gasolina ay nasa pagitan ng P87.90 hanggang P104.10 kada litro, habang ang diesel naman ay pumalo na hanggang P154.20 ang kada litro.
















