-- Advertisements --
Photo © Medical Express
Photo © Medical Express

KORONADAL CITY – Patuloy pang inoobserbahan sa bahay pagamutan ang isang babae matapos ang pananaga ng kanyang live-in partner sa bayan ng Tampakan, South Cotabato.

Ayon kay P/Maj. Joseph Forro III, hepe ng Tampakan PNP, kinilala ang biktima na si Angelou Peligrino, 23, residente ng Barangay Lambayong, ng nasabing bayan.

Ayon kay Forro, labis na galit umano ang nagtulak sa suspek na si Joey Magon Jr., 28, at trabahante ng isang sagingan upang tagain sa ulo ang kinakasama nito.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP na hindi pa nakakapagluto ng hapunan ang biktima para sa apat nilang anak at labis ang paglalaro ng computer games nang maabutan ng suspek na naging dahilan ng pananaga nito.

Matapos ang pangyayari, agad na isinugod si Peligrino sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City samantala tumakas naman ang live-in parnter nitong si Magon na sumuko din sa mga barangay officials ng kanilang lugar.

Sa ngayon, pinag-iisipan pa ng biktima kung magsasampa ng kaso laban kay Magon.